Sila yung humuhubog at lumilinang ng ating pagkatao, ang nagsisilbing gabay natin kapag tayo ay nagkukulang at sa tuwing may dumadating na pagsubok sa ating buhay. Magandang umaga sa inyong lahat. Nais ko lamang pong itanong, sa henerasyon natin ngayon, gaano po ba kahalaga ang ating mga magulang sa ating buhay ? Naipapakita pa rin ba nating mga kabataan sa makabagong henerasyon ang pagmamalasakit at pagmamahal natin sa ating mga magulang ? Para sa akin napakalaki na talaga ang pinagbago ng noon sa ngayon, noon sinusunod parati ang utos, gusto at payo ng ating mga magulang kahit na minsan ay labag pa ito sa ating kalooban pero ngayon nagagawa na nating suwayin ang kanilang mga utos, gusto at payo. Minsan pa nga ay sinasagot pa natin sila, tama po diba ? May mga panahong nalilimutan na natin silang igalang o minsan sa sobrang lapit ng iba sa kanilang magulang ay parang kabarkada na lamang sila kung makipag-usap. Nalilimutan ng gumamit ng “po” at “opo” o kaya nama’y "I Love You" upang ipadama sa kanila ang ating pagmamahal. Sa sobrang bilis ng panahon ngayon, hindi natin alam kung kalian may mawawala o hanggang kalian pa ba may mananatili ika nga nila “You Don’t Know What Tomorrow Will Be”.
Sa kabila ng pagbabagong nagaganap ngayon sa mga kabataan na minsan tayo’y naiinis at nagagalit sa ating mga magulang, huwag pa rin nating kalimutang na mga magulang parin natin sila, mapalaki ng maayos at tayo’y mapag-aral sa isang maayos at disenteng paaralan ang kanilang hangad. Sa bawat panahong nagdaan inalagaan nila tayo, kahit minsan hindi nila tayo pinabayaan at kahit kalian hindi sila mapapagod magbantay para sa ating kapakanan. Halos ibigay na nga nila sa atin ang lahat dahil hindi nila tayo kayang tiisin.Kahit ano ay kanilang ibibigay para lang maging masaya tayo.
Palatandaan sa bawat sermon o galit na ipinapakita nila sa atin ay katumbas ng isang pagmamalasakit at pagmamahal upang gabayan tayo sa ating paglalakbay tungo sa matuwid na direksyon at tagumpay.
Kahit hindi man natin sila maintindihan sa ngayon, balang araw ay malalaman din natin na lahat ng kanilang ginagawa ay para rin sa sarili nating kapakanan.
Ako po si Glyza Louise L. Palomo, isang simpleng babae, kapatid at anak sa makabagong henerasyon na nagsasabing, pahalagahan ang ating mga magulang, mahalin at bigyan ng respeto, sa kabila ng bawat galit at poot ay palitan at takpan ng PAGMAMAHAL.